MANILA, Philippines - Naging masaya ang Pasko at Bagong Taon ng mga empleyado ng Caloocan City Hall matapos na ipagkaloob ni Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang 14th month pay ng mga ito bago pa man sumapit ang kapaskuhan.
Dahil dito, nagpasalamat ang mga empleyado ng city hall sa inisyatibong ito ni Echiverri kasabay ng pangako ng mga ito na lalo pang pagbubutihin ang kanilang pagbibigay ng serbisyo publiko.
Ang pagbibigay na ito ni Echiverri ng 14th month pay ay ikalawang beses na. Sinimulan ito ng alkalde noong nakalipas na taon at sa kasaysayan ng lungsod ay tanging ito lamang ang nagbigay ng nasabing bonus sa mga city hall employees.
Ayon kay Echiverri, ang pagbibigay ng 14th month pay sa mga empleyado ng city hall ay isang paraan ng pagsukli sa ipinakikitang sipag at tiyaga sa trabaho ng mga ito lalo na sa pagbibigay ng serbisyo publiko.
Bukod sa 14th month ay nakatanggap din ng iba pang bonus ang mga city hall employees tulad ng productivity pay at 13th month pay.