Jeepney nahulog sa sapa: 13 sugatan

MANILA, Philippines - Aabot sa 13-katao ang sugatan kabilang ang isang buntis na misis na nasa kritikal na kalagayan makaraang mahulog sa sapa ang pribadong jeepney sa bayan ng Santol, La Union kahapon ng umaga. Ayon kay SPO1 Jumides Agtarap, naganap ang insidente dakong alas-9 ng umaga sa matarik na bahagi ng highway sa Sitio Balay Ubang, Brgy. Ramot. Batay sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol sa manibela si Rolando Sadao, 33, may-ari ng Tamaraw jeepney hanggang sa tuluyang bumulusok sa may pitong talampakang lalim ng sapa ang sasakyan. Kinilala naman ang buntis na nasa kritikal na kondisyon na si Minda Sadao, asawa ng driver na si Rolando. Ang iba pang nasugatan ay sina Roxanne Awas, Aileen Sadao, Nelson Sadao, Ariel Mangibin, Marilyn Sadao, Joe Awas, Edmund Tamang; Berting Sadao, Rachel Awas at si Erlinda Sadao kung saan naisugod naman sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union.

Show comments