Ka Roger ng CPP-NPA pumanaw na

MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pagpanaw ng kanilang tagapagsalitang si Gregorio “Ka Roger” Rosal matapos itong atakihin sa puso at hindi na maka-recover.

Ang kumpirmasyon ay mismong iniulat ng CPP sa kanilang website na www.philippinerevolution.net kahapon. Pumanaw si Ka Roger sa edad nitong 64 noon pang Hunyo 22 subalit kahapon lamang kinumpirma ng CPP.

Una dito, ilang pagkakataon na rin napabalita ang pagpanaw ni Ka Roger, subalit maraming pagkakataon din natutuklasan na gawa-gawa lamang ang nasabing impormasyon ng ilang personalidad na ibig ilihis ang usapin sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde.

Si Rosal ay unang na-appoint bilang national party spokesman noong 1993, matapos maging tagapagsalita ng  New People’s Army (NPA)-Melito Glor Command sa Southern Tagalog.

Nabatid na 3 ulit na-stroke si Ka Roger, ngunit agad nakakabawi. Ang huling labas ng anunsyo ng CPP na isinulat ni Rosal ay noong Enero 2011.

Samantala, bilang pagbibigay pugay sa naging papel ng kanilang dating kasamahan, inatasan ng CPP ang lahat ng NPA units sa buong bansa sa tanghali ng Oktubre 15 na magbigay ng gun salute.

Show comments