Sen. Koko nanumpa na

MANILA, Philippines - Nanumpa na kahapon bilang ika-12 senador ng 15th Congress si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III sa Mati City, Davao Oriental.

Nanumpa si Pimentel sa harap ni Davao Oriental Gov. Cora Malanyaon matapos siyang ideklarang nanalong senador ng Senate Electoral Tribunal kamakalawa kapalit ng nagbitiw na si dating senador Juan Miguel Zubiri. Nakakuha ng malaking boto si Pimentel sa Davao Oriental kaya mas pinili niyang doon gawin ang panunumpa.

Ipinagmalaki pa ni Pimentel na nanalo siya pero hindi kaagad naiproklama pero pinanindigan at ipinag­laban ang kaniyang karapatan. Inaasahan na ang pagdalo ni Pimentel sa sesyon sa Lunes kung saan sa dating kuwarto ni Zubiri ito mag-o-opisina.

Posible ring sa majority block ng Senado sumama si Pimentel bagaman at sinabi ni Senadora Pia Ca­yetano, miyembro ng minority bloc na hihikayatin nilang sumama sa kanilang grupo ang bagong proklamang senador.

Show comments