MANILA, Philippines - Tinatapos na ng Skyway Corporation ang pagtukoy sa tamang halaga na itataas sa kanilang toll rate makaraang aprubahan ng Korte Suprema ang paniningil ng 12% value added tax (VAT) sa expressway toll fees.
Sinabi ni Skyway spokesman Ed Nepomuceno na inaasahan na maisusumite nila ngayong Agosto 1 ang rebisadong toll rates sa Toll Regulatory Board (TRB) para sa kanilang pagsang-ayon.
Ito’y makaraang ibasura ng Korte Suprema ang apela ni dating Nueva Ecija Rep. Renato Diaz na ibasura ang VAT sa toll fee at pagtibayin ang pagpapatupad nito. Sinabi ng SC na maaaring mas malaki pang gulo ang likhain ng pagbasura sa VAT sa toll fee sa publiko at sa pamahalaan.
Sinabi ni Nepomuceno na maaaring umakyat ang kasalukuyang P106 toll rate sa Class 1 vehicles sa P118 kung maidadagdag ang bagong buwis.
Maaari naman umanong mai-round off ito sa pinakamalapit na halaga base sa magiging komputasyon nila at ng TRB.
Nilinaw naman ni Nepomuceno na bagama’t hindi sila sumasang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema, wala naman umano silang magagawa kundi sumunod dito at maipasa ang buwis sa mga motorista.