MANILA, Philippines - Walang balak na makisawsaw at magbigay ng komento si Pope Benedict XVI sa isyu ng pagkakasangkot ng mga Filipino Catholic bishops sa sinasabing maanomalyang paggastos sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Philippine Ambassador to the Holy See Mercedes Arrastia-Tuason, hindi umano nagbibigay ng komento si Pope Benedict XVI sa mga “domestic problems” gaya ng nabanggit na isyu.
Sinabi ng ambassador na kaniya umanong pinaniniwalaan ang pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na malinis ang konsensiya ng mga obispo na tumanggap ng pondo para pambili ng mga sports utility vehicles (SUVs).
Gayunman, desidido na umano ang ilang opisyal ng simbahan na ibalik na ang mga natanggap nilang SUVs.
Partikular na nagsalita si Butuan Bishop Juan De Dios Pueblos na sinasabing tumanggap ng sasakyang nagkakahalaga ng P1.629 noong taong 2009.
Bukod kay Pueblos, isasauli na rin umano ni Basilan Bishop Martin Jumoad ang P1.225-M sasakyang natanggap din nito mula sa PCSO.
Sa harap nito, muling binigyang diin ng mga obispo na hindi nila ginamit sa personal ang nasabing mga sasakyan dahil ito umano ay nakalaan sa kani-kanilang mga medical at relief works.
Kahapon, kapwa nanawagan sina Bishops Deogracias Iñiguez at Arturo Bastes sa kanilang mga kasamahan na mas mabuting isauli na ng mga ito ang natanggap na mga sasakyan para matapos na ang isyu.
Kabilang pa sa mga obispo na sinasabing nakatanggap ng PCSO budget para sa pagbili ng mga SUVs sina Archbishops Orlando Quevedo ng Cotabato, Romulo Valles ng Zamboanga, Ernesto Salgado ng Nueva Segovia, Bishops Rodolfo Beltran ng Bontoc-Lagawe at Leopoldo Jaucian ng Abra.