Ph inireklamo sa UN

MANILA, Philippines - Dumulog na sa United Nations (UN) ang mga kaanak ng limang pinaslang na mamamahayag sa bansa dahil sa umano’y malabnaw na pagtugon ng gobyerno sa kanilang kaso.

Ang mga mamamahayag na sina William Yap Yu, Dennis Cuesta, Maricel Vigo, Juan Pala at Fernando Lintuan ay napaslang sa magkakahiwalay na insidente mula taong 200 hanggang 2008.

Sa kanilang limang communication na may tatlumpung pahina bawat isa, inakusahan ng mga pamilya ng mga biktima ang Gobyerno ng Pilipinas ng paglabag sa karapatan ng kanilang pinaslang na kaanak sa ilalim ng International Covenant on Civil and Political Rights.

Iginiit nina Atty. Harry Roque at Atty. Romel Bagares ng Center for International Law na ang kawalan ng aksyon ng gobyerno sa paglutas sa mga nasabing pagpatay ay nakapagpapalala sa climate of impunity sa kaso ng mga media killings sa bansa.

Sinabi ni Roque na hinihiling ng mga pamilya ng mga mamamahayag na mapagkalooban sila ng danyos ng gobyerno. (Gemma Garcia/Angie dela Cruz)

Show comments