Presyo ng petrolyo sumirit

MANILA, Philippines - Naghabol pa ng panibagong pagtataas sa pres­yo ng mga produktorng petrolyo ang ilang kumpanya ng langis bago magtapos ang kasalukuyang taon.

Inumpisahan ng Filipinas Shell ang pagtataas dakong alas-12:01 ng hatinggabi kung saan iniakyat nito ng P1 kada litro ang presyo ng lahat ng kanilang produktong gasolina. Itinaas rin ng P.75 kada litro ang presyo ng diesel.

Dakong alas-6 naman ng umaga nang sumunod ang isa pang miyembro ng Big 3 na Chevron Philippines. Itinaas rin nito ng P1 kada litro ang presyo ng lahat ng gasolina, at P.75 kada litro ng diesel at kerosene.

Sumunod dakong alas-7 ng umaga ang independent oil player na Eastern Petroleum na nagpatupad ng katulad na price increase maliban sa produktong ke­rosene.

Bago ang naturang pagtataas, nagpatupad na ng dalawang price increase ang mga kumpanya ng langis ngayong buwan ng Disyembre. Nauna dito ang P1.50 kada litro pagtataas noong Disyembre 7 na sinundan ng P1.25 kada litro noong Disyembre 15.

Dahil dito, pumapalo na ngayon ang presyo ng gaso­line sa P48.50 kada litro; at P38 kada litro sa diesel sanhi upang magreklamo na ng mga transport groups na humihingi naman ngayon ng dagdag pasahe.

Ikinatwiran ng mga kumpanya ng langis ang sunud-sunod ding pagtataas sa presyo ng krudo sa internasyunal na merkado na kailangan nilang sundan.  Noong nakaraang linggo, pumalo sa higit $90 kada bariles ang presyo ng Asian crude na pinakamataas sa loob ng dalawang taon.

Show comments