MANILA, Philippines - Katulad ng papel ng pera ng Pilipinas ang papel na gagamitin ng Land Transportation Office (LTO) sa ipalalabas nitong bagong drivers license sa taong 2011.
Ito ang ginawang paglilinaw ni LTO Chief Virgie Torres sa mga pagkuwestiyon kung bakit babalik sa papel na lisensiya ang naturang ahensiya.
“Ang drivers license na ito ay matagal nang ginagamit sa France, Brazil, Taiwan at sa iba pang bansa at mahirap na makopya at masira, environment friendly pa,” pahayag ni Torres.
Anya, hindi naman papel lamang ito dahil babalutan pa rin ng plastic ang lisensiya na tulad ng dati na naka-plastic.
Nilinaw din ni Torres na ang pinahusay na uri ng drivers license ay matagal nang naaprubahan ng nagdaang administrasyon at ito lamang ay kanyang ipagpapatuloy.
Umaabot sa P500 milyon ang pondo ng Budget department sa paggawa ng bagong lisensiya na inaasahang ipalalabas sa Enero 2011.