22 OFWs stranded sa Saudi

MANILA, Philippines - Kasunod ng pagpapa-deport ng daan-daang Pinoy, panibagong 22 OFWs ang kasalukuyang stranded at mukhang mga palaboy sa Khandara Bridge sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ang naturang mga OFWs na karamihan ay kababaihan at ilan ay may mga dalang anak ay nagsimulang dumagsa sa nasabing paanan ng tulay sa Jeddah matapos na tumakas sa kani-kanilang amo.

Nabatid na sa Khandara bridge unang bumuhos ang daan-daang Pinoy runaways at hinakot ng Philippine Consulate General sa Jeddah sakay ng ilang bus patungo sa deportation center ng Haj Airport Terminal para sa pagproseso ng kanilang deportasyon sa tulong ng Saudi government. Sila ay unang sumugod sa Konsulado dahil sa gutom, nagtitiis sa matinding init at natutulog na lamang sa ilalim ng overpass at tulay sa Jeddah.

Napipilitan umanong tumira ang mga distressed OFWs sa Khandara bridge dahil ayon sa labor at consulate officials ay kulang sila sa pondo upang mabigyan sila ng maayos na matitirhan o maka-upa ng isang villa sa loob ng al-Mina Hajj terminal habang sila ay naghihintay ng deportasyon.

Dahil dito, nanawagan ang Migrante kay outgoing President Gloria Arroyo at kay Labor Secretary Marianito Roque na atasan si OWWA Administrator Carmelita Dimzon na tugunan ang kanilang pangangailangan sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang kanilang pagkakasakit.

Inaasahan din nila na mabibigyan sila ng pondo mula sa OWWA para sa pambayad ng renta ng villa na kanilang pansamantalang matutuluyan sa loob ng Al-Mina Hajj terminal.

Show comments