Mag-ingat sa isdang may jobos

MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang pub­liko na maging maingat sa pagbili ng mga isda partikular na ang mga ginagamitan ng jobos dahil maaari umanong samantalahin ang nagaganap na fish kill sa ilang palaisdaan.

Sa panayam kay Dr. Lee Suy, program manager ng DOH Emerging and Re-emerging Infectious Disease, kailangan na maging mapanuri ang mga mamimili sa pagbili ng isda hindi lamang sa mga supermarket kundi maging sa mga malilit na pamilihan.

Ayon kay Suy, modus operandi ng mga nagtitinda na gamitan ng jobos ang mga isda na kanilang itinitinda upang magmukhang sariwa.

Maaari aniyang magkaroon ng pangangati sa balat at iba pang sakit ang sinumang kakain nito. Makabubuti kung pisilin, amuyin at tignan mabuti ang hasang at mata ng isda upang makatiyak na sariwa ito. (Doris Franche)

Show comments