Cremation aprub sa Simbahan
MANILA, Philippines - Pinapayagan na ng Simbahang Katoliko ang cremation o pagsunog sa bangkay ng mga yumao.
Ayon kay Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), bagamat noong 1917 Canon Law ay mahigpit na ipinagbabawal ang cremation ngunit naging maluwag at pinayagan na ito ng Simbahang Katoliko sa 1983 Canon Law.
Sinabi ni Castro na okey lamang para sa Simbahang Katoliko na i-cremate ang bangkay ng isang yumao, ngunit dapat na maging malinaw na hindi kini-cremate ang bangkay dahil hindi tayo naniniwala na hindi na muling mabubuhay ang katawang lupa ng tao.
Binigyang-diin din ng CBCP official na napakahalaga rin na kahit ikini-cremate ang isang bangkay ay kailangang ilibing pa rin ito sa isang museleo o sa sementeryo at hindi puwedeng ang mga abo na ito ay ilagay o ilagak lamang sa bahay o di kaya’y ihagis sa dagat o gawing dekorasyon sa mga pendant na isinusuot.
Nilinaw ni Castro na ang mga abo na ito ay kailangan pa ring ilibing bilang paggalang sa mga yumao dahil sila ay “muling mabubuhay” sa mga katawan, na siyang nagsil- bing “templo” ng Espiritu Santo” at buhay na mula sa Diyos.
Sinabi pa ng CBCP official na mayroon pang official liturgical prayer na dinarasal habang isinasagawa ang cremation bilang tanda na ang tao, na nagmula sa abo, ay ibinabalik din sa abo. (Mer Layson)
- Latest
- Trending
















