MANILA, Philippines - Malugod na kinatigan ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) na nag-uutos sa management ng ABS-CBN na ibalik sa kanyang posisyon bilang senior reporter si Doris Bigornia.
“Welcome development ang desisyon nito kaya kami ay nananawagan sa ABS-CBN management na ibalik sa kanyang puwesto si Ms. Bigornia.
“Ang pagsunod sa desisyon ay makabubuti hindi lang kay Ms. Bigornia bagkus, maging sa pamunuan ng ABS-CBN dahil ipinapakita nito na marunong silang gumalang at sumunod sa batas,” ani NPC president Benny Antiporda.
Si Doris ay anak ni Amante Bigornia, pangulo ng NPC noong 1967 at isa sa mga beterano at iginagalang na mamamahayag sa bansa.
Bago tuluyang sinibak sa ABS-CBN noong Abril 22, 2006, sinuspindi muna si Doris ng dalawang araw dahil umano sa kanyang paglabag sa journalist code of ethics.
Ayon sa NLRC, “grave abuse of discretion” at “serious errors” sa pag-unawa sa mga detalye ng kaso ang mga naging pagkukulang ng labor arbiter na humawak ng kaso at nagsabing wasto at ligal ang desisyon ng ABS-CBN na sibakin si Doris.
“From the records, it appears that without a formal charge and hearing, complainant was meted out a two-day suspension,” ayon pa sa komisyon.
Bukod sa pagsantabi sa orihinal na desisyon ni arbiter Edgardo Madriaga, tuluyang ibinalik ng NLRC sa kanyang posisyon si Doris, kasabay ng pag-uutos sa ABS-CBN management na bayaran nito ng buo ang mga “backwages” at iba pang benepisyo ni Doris.
Inatasan din ang network na magbayad ng P400,000 kay Doris bilang “moral and exemplary damages” at pagbabayad sa gastos sa paglilitis at attorney’s fee na katumbas ng 10 porsiyento ng halagang matatanggap ni Doris.