MANILA, Philippines - Dapat umanong ma ging patas ang pamahalaan sa pagpapalaya sa mga bilanggo.
Ito ang naging apela ni Palawan Bishop Pedro Arigo sa gobyerno bunsod na rin ng pagpapalaya kay convicted rapist na si dating Zamboanga del Norte Congressman Romeo Jalosjos.
Ayon kay Arigo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care, mas maraming bilanggo na nakapagsilbi na ng higit sa kanilang term of imprisonment subalit hindi nakalalabas ng kulungan dahil hindi napagtutuunan ng pansin ng gobyerno.
Aniya, kadalasang nabibigyan ng parole o commutation ang mga bilanggo na prominente at mayayaman.
Kinakailangan din uma nong magsagawa ang pamahalaan ng muling pag-aaral ng kaso ng mga maliliit na bilanggo, upang malaman kung sapat na rin ang kanilang pananatili sa loob ng kulungan.
Wala namang nakakaalam sa panig ng gobyerno kung totoong nagkasala ang lahat ng mga bilanggo na nakapiit ngayon sa New Bilibid Prison.
Aniya, nakadidismaya dahil pinipili lamang ng pangulo ng bansa ang mga bilanggong pinagkakalooban ng pardon o commutation.
Masakit lamang umanong isipin na mas lalong nabubulok sa kulungan ang mga bilanggong mahihirap at walang kakayahang lumaban sa korte at iapela ang kanilang mga kaso. (Doris Franche)