Balasahan sa PNP

Nagpatupad ng maliit na balasahan sa puwesto si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jesus Verzosa makaraang lumikha ng dalawang probisyunal na “Directorate for Integrated Police Operations (DIPO)” sa rehiyon ng Mindanao para mapalakas ang kampanya laban sa mga kalaban ng pamahalaan.

Itinalaga si dating Northern Police District director Chief Supt. Pedro Tango bilang hepe ng Davao Regional Police Office kapalit ni Chief Supt. Andres Caro II na itinalaga namang hepe ng bagong likhang Western DIPO.

Binubuo ang Western DIPO ng Region 9 (Western Mindanao), 12 (Central Mindanao) at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Itinalaga naman bilang hepe ng Central Mindanao Regional Police Office si Chief Supt Fidel Cimatu na dating deputy chief ng Directorate for Plans. Malilipat naman si Chief Supt. Felizardo Serapio sa Eastern DIPO na binubuo naman ng Region 10 (Northern Mindanao), 11 (Davao region) at 13 (Caraga).

Binuo ni Verzosa ang dalawang bagong police DIPO upang mapalakas ang kanilang puwersa sa naturang mga lugar sa Mindanao tulad ng ginawa ng AFP.

Inaasahan naman na maiaakyat sa “two star rank” o Deputy Director General sina Caro at Serapio na kinakailangan para sa kanilang bagong mga posisyon. (Danilo Garcia)

 

Show comments