PAGASA sinisi ng Sulpicio

Ibinunton ng Sulpicio Lines ang kanilang sisi sa Philippine Atmospheric Geophyscial and Astronomical Service Administration (PAGASA) na siyang dahilan ng pagtaob ng MV Princess of the Stars sa baybayin ng Romblon.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Board of Marine Inquiry (BMI), hu­marap ang port captain ng Sulpicio Lines sa Cebu City na si Nestor Ponteres kung saan sinabi nito na anim na oras na ang naka­lipas bago sila sabihan ng PAGASA na nagbago ng direksiyon ang bagyong Frank noong Hunyo 21.  

Sa katunayan umano ay madalas ang kanyang ginagawang komuni­kas­yon ng kapitan ng lumubog na barko na si Capt. Flo­rencio Marimon Sr. bago pa man maganap ang insi­dente. 

Sinabi pa ni Ponteres na sinabihan din siya ni Marimon sa kanilang pag-uusap sa cellphone na nalilito na ito sa “late warning” ng PAGASA. 

Iginiit pa ni Ponteres na may alternative route na­man ang  MV Princess of the Stars kung naabisu­han ito agad ng maaga bago ang bagyo. 

Pinabulaanan din nito na pagkakamali ni Mari­mon ang paglubog ng barko kasabay ng pagsa­sabi ng “the best master we have.” (Doris Franche/Grace dela Cruz/Gemma Garcia)

Show comments