Nograles hinamon ng NPC

Hinamon kahapon ng liderato ng National Press Club (NPC) si House Speaker Prospero Nograles na tulungan na makalabas ng kulungan ang broadcaster na si Alexander Adonis na nagsiwalat sa “Burlesque King” scandal sa Davao City upang ipakita na totoo ang pagsusulong ng press freedom ng Arroyo government. 

Sa isang statement ng NPC Press Freedom Committee, sinabi ni NPC director Joel Egco, bilang ikalimang pinakamataas na opisyal ng gobyerno at tagasuporta ni Pangulong Arroyo ay dapat umanong ipamalas ni Speaker Nograles ang pagrespeto ng gobyerno sa press freedom sa pamamagitan ng pagbaba sa civil offense ng isinampa nitong criminal complaint na libelo laban kay Adonis.  

Nitong Enero 2007, hinatulan si Adonis ng Davao-RTC na makulong ng 5 taon at 6 buwan kaugnay sa libel suit na isinampa ni Nograles dahil sa “Burlesque King scandal” noong 2001. Nagtago si Adonis dahil sa wala umano siyang perang pambayad sa abugado na magtatanggol sa kanya.  

Ang libel case ni Adonis ay kaugnay sa kanyang mga komentaryo sa radio kaugnay sa “Burlesque King” scandal kung saan ayon sa court records ay si Speaker Nograles umano ang pinatutungkulan na kongresistang tumakbo ng hubo’t hubad sa isang hotel matapos silang mahuli ng mister ng kanyang kasama umanong babae.  

Natuklasan ng NPC na kahit naglagak ng P5,000 pi­ yansa sa korte si Adonis nitong Mayo 26 ay tumanggi ang warden ng Davao na siya ay palayain dahil kailangan pa daw nilang ipaalam ito sa “higher authorities”. (Rudy Andal)

Show comments