Gordon at Joker nag-asaran

Parang mga batang nag-asaran kahapon sina Senators Joker Arroyo at Richard Gordon matapos mag-adjourn na kahapon ang sesyon ng Senado.

Unang pinasaringan ni Joker si Gordon sa pagsasabing mayroong senador na nasa Geneva, Switzerland na pero umuwi pa sa bansa para lamang habulin ang sesyon sa pag-asang maipapasa ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataang elections sa Oktubre 29.

Ayon kay Joker, mas makakatipid ang gobyerno kung dumiretso na lamang  sa assembly ng Inter-Parliamentary Union (IPU) na ginagawa sa Geneva, Switzerland ang senador, pero gumawa pa umano ng eksena ang naturang senador matapos magpahayag nang pagka-irita sa liderato ng Senado dahil sa maagang pag-adjourn ng sesyon gayong hindi pa natatalakay ang pagpapaliban ng eleksiyon.

Nang marinig ni Gordon ang mga sinabi ni Joker, ginantihan niya ito sa nagparinig naman na hindi naka-proper attire ang senador dahil nakasapatos nga ito pero wala namang medyas.

Sumagot naman si Joker na “health reason” ang dahilan kaya hindi siya naka-medyas.(Malou Escudero)

Show comments