Mag-asawang opisyal ng BJMP pinapa-lifestyle check

Isang mag-asawa na kapwa mataas na opis­ya­les ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang ini­rek­lamo sa Office of the Om­budsman at sa Pres­idential Anti-Graft Commission (PAGC) sa pag­ka­karoon umano ng hindi maipaliwanag na kayamanan.

Isang liham ang na­tanggap ng Ombudsman at PAGC nitong Setyem­bre 21 buhat sa isang hindi nagpakila­lang “taxpayer” kung saan inire­reklamo sina Jail Chief Supt. Benito Dorigo at misis nitong si J/Sr. Supt. Doris Dorigo.

Sa liham na may pet­sang Setyembre 17, 2007, nakasaad dito ang kahili­ngan kay Ombudsman Merceditas Guttie­rez at PAGC chairman Constan­cia de Guzman na imbesti­gahan ang mga kayama­nan ng mag-asawa na inaaku­sang nakuha uma­no sa pera ng gobyerno.

Kabilang dito ang mga ari-arian ng mag-asa­wang Dorigo sa Ca­lamba, Laguna, at sa bagong biling bahay sa Teacher’s Village sa Quezon City. Bukod pa dito ang pagkakaroon ng mamahaling kotse na Mi­tsubishi Pajero at Estrada pick-up na nabili nito ka­makailan.

Isinantabi naman ng BJMP ang naturang sum­bong laban sa mag-asa­wang Dorigo. Sinabi ni BJMP spokeswoman J/Insp. Michelle Bonto-Ng na posibleng may kaug­nayan ang natu­rang sum­bong ng uma­no’y ka­tiwalian sa pag­reretiro ng kanilang hepe na si Director Ar­mando Llamasares sa darating pang Marso 2008.

Isa umano sa mati­bay na kandidato si Gen. Dorigo, kasalukuyang hepe ng Directorate for Human Resources, para humalili kay Llamasares kasama sina C/Insp. Diony Mamaril at C/Insp. Ro­sendo Dial.  Ang tatlo ang posibleng maka­sama sa “shortlist” na ipapadala ni DILG Secretary Ronaldo Puno sa Malacanang para pag­pilian ni Pangulong Arroyo. (Danilo Garcia)

Show comments