Masusi ngayong iniimbestigahan ng mga opisyal ng Provincial Health Department ng Davao Del Sur ang pagkakadiskubre umano ng ilang bahagi ng katawan ng daga sa isang cake sa isang restaurant noong Biyernes.
Batay sa report, walong nursing student ang nakakita ng ilang bahagi ng daga sa chocolate cake na kanilang binili sa Prangel’s Restaurant sa Digos City.
Ayon sa reklamo ng mga estudyante ng Mindanao Medical Foundation College, bumili sila ng cake at dinala sa kanilang pinagtatrabahuhan kung saan agad din nila itong kinain.
Subalit nagulat si Robert Tonzo, isa sa mga nursing student, nang mapansing may tila chewing gum sa kan yang kinakain na cake. “Akala ko nga peanut lang. ‘Nung iluwa ko, iyon na pala, parte ng daga,” sabi pa niya
Bunga nito, ipinasya ng mga estudyante na dalhin sa City Health Offic ang cake at matapos ang ilang minuto ay nakaramdam na sila ng pananakit ng tiyan.
Sinabi naman ni Dr. Salud De La Cruz, City Health Officer, nakita nila ang ilang bahagi ng daga at hair strands nito.
Sinabi ng Digos City health inspector na iimbestigahan nila ang report para malaman kung totoo ito at may sapat na sanitation inspection permit ang naturang restaurant.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang staff ng Prangels restaurant.