Payo ni Jinggoy sa senatorial plan ni JV: ‘Pahinog ka muna!’

"Magpahinog ka muna!"

Ito ang payo ni Sen. Jinggoy Estrada sa kanyang half-brother na si San Juan Mayor JV Ejercito sa plano ng huli na tumakbo sa darating na May 2007 senatorial race.

Naniniwala si Sen. Estrada na hindi mananalo si Mayor JV dahil hindi pa ito "hinog"para sumabak sa darating na senatorial race kaya dapat munang "magpahinog" ito sa pulitika.

Sinabi rin ni Jinggoy na hindi sapat na batayan ang pagiging consistent sa senatorial survey upang isama sa senatorial slate ng oposisyon si JV.

"Nagbabago ang resulta ng survey kaya hindi ito puwedeng batayan upang piliin si JV kaysa sa aking ina upang mapasama sa senatorial ticket ng oposisyon," dagdag nito,

Aniya, dapat ay hayaan muna ni JV ang kanyang inang si Sen. Loi Estrada na muling kumandidato upang maipagpatuloy nito ang kanyang mga health agenda. Handa umano si Dra. Loi upang muling tumakbo sa pagka-senador.

Siniguro naman ni Mayor JV na nakahanda na siyang sumabak sa Senado at hinog na hinog na siya sa pulitika.

Magugunita na wala sa listahan ng mga senatoriables ng oposisyon sina Sen. Loi, Tarlac Rep. Benigno "Noynoy" Aquino III at Sen. Panfilo Lacson habang magiging pambato ng oposisyon ang mga dating senador na sina Loren Legarda, Gringo Honasan, Tito Sotto, Tessie Aquino-Oreta, John Osmeña, House Minority Leader Francis Escudero, Rep. Allan Peter Cayetano, Atty. Aquilino "Koko" Pimentel III, Senate President Manuel Villar Jr., Sen. Francis Pangilinan at Sen. Ralph Recto.

Show comments