Palasyo pumalag sa zero budget ng PCGG

Hiniling ng Malacañang na bigyan ng konsiderasyon ng Senado ang plano nitong buwaging ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa pamamagitan ng pagtangging bigyan ng budget ito sa taong 2006.

Ayon kay Press Secretary Ignacio Bunye, panahon na upang bigyan ng pagkakataon ang compromise agreement sa kapakanan ng taong may karapatang magkaroon ng kabahagi sa binabawing yaman.

Iminungkahi ni Sen. Joker Arroyo na dapat bigyan ng zero budget ang PCGG dahil sa pagbalangkas nito ng sariling panuntunan tulad ng pagpasok sa compromise agreement sa pamilya Marcos at dating Amb. Eduardo "Danding" Cojuangco Jr.

Sinabi pa ni Sec. Bunye, pawang espikulasyon pa lamang ang sinasabing mga kasunduan dahil ang korte ang siyang dapat na magsilbing tagapamagitan sa isyung ito.

Aniya, sa halip na pag-initan ng Senado ang ginagawang compromise agreement ng PCGG ay mas makakabuting repasuhin ng mga ito ang Comprehensive Agrarian Reform Law para magkaroon ng alokasyon na mabayaran ang mga human rights victims sa panahon ng Martial law.

Samantala, hiniling ni House Minority Leader Francis Escudero na sibakin na lamang ang mga opisyal ng PCGG dahil sa pagbibigay nito ng prayoridad sa pagpasok sa kasunduan sa halip na bigyan ito ng zero budget.

Sinabi ni Rep. Escudero, dapat palitan ang mga PCGG officials na hindi naman nagsisilbi alinsunod sa kanilang mandato.

Hindi din naniniwala si Escudero sa sinabi ni PCGG chairman Camilo Sabio na sariling desisyon nito ang pagpasok sa compromise deal sa mga Marcos dahil imposibleng walang alam dito si Pangulong Arroyo. (Lilia Tolentino at Malou Rongalerios)

Show comments