Ibang bahagi ng kisame sa NAIA 3, depektibo

Maaaring bumagsak anumang oras ang iba pang bahagi ng kisame ng NAIA 3 o International Passenger Terminal (IPT) malapit sa nauna nang lumagpak noong isang buwan ilang araw bago ang takdang pagbubukas sa nasabing terminal.

Nasaksihan ng mga mamamahayag ang bahaging tinukuran ng mga scaffoldings may 15 metro mula sa bahaging naunang bumagsak nang isama sila ng mga komisyoner na itinalaga ng Pasay City Regional Trial court upang alamin ang dapat ibayad para sa pagkatayo ng terminal.

Nauna nang sinabi ni Atty. Perfector Yasay Jr., abogado ng Asia’s Emerging Dragon Corp. (AEDC), original proponent ng IPT na batay sa mga dokumentong isinumite ng gobyerno sa International Court for Settlement of Investment Disputes (ICSID) ay substandard ang mga materyales na ginamit sa pagtatayo sa NAIA 3.

Sinabi rin ni Yasay na kung bumagsak ang may 100 metro kuwadrado ng kisame ay posibleng bumigay din ang iba pang bahagi dahil magkakatulad ang substandard na materyales at mahinang kalidad ng pagkakayari sa mga ito. Bumagsak ang kisame nang paandarin ang mga airconditioning units para sa paghahanda sa test run ng terminal.

Pinuri naman ni Yasay si MIAA Gen. Mgr. Alfonso Cusi ng Manila sa paninindigan nito na dapat ang MIAA ang magsasabi sa Takenaka Corp. kung kailan at alin ang kukumpunihin sa terminal.

Show comments