Moratorium sa mga piloto at mekaniko malamang ipatupad

Dahil sa patuloy na paglisan ng mga piloto at mekaniko na pinangangambahang maging dahilan sa pagkalumpo ng lokal na industriyang panghimpapawid na kasalukuyang nasa kritikal na kalagayan ay seryosong ikinokonsidera ng pamahalaan ang pagpapatupad ng moratorium o pagbabawal sa deployment o pagpapaalis sa mga ito sa loob ng 3-5 taon.

Ayon kay Labor Undersecretary Danilo Cruz, may matibay na batayang legal ang pamahalaan sakali’t ideklara ang moratorium sa pagdeploy ng mga piloto at mekaniko alang-alang sa pambansang interes. Minsan ng ginawa ng pamahalaan ang pagbabawal sa pagpapaalis ng mga domestic helper at ito ay kinatigan ng Korte Suprema.

Sinabi naman ni Director Stella Banawis ng Philippine Overseas Employment Administration—Technik Philippines, na mahigit pa sa 1,000 ang job order balance (JOB) ng mga piloto mula sa iba’t ibang bansa kumpara sa 700 piloto na kasalukuyang naka-empleyo sa mga lokal na kompanyang panghimpapawid kasama na ang PAL, Air Philippines, Asia Spirit, Cebu Pacific at Seair, at halos triple naman ng may 1,700 naka-empleyong mekaniko ang JOB para sa mga mekaniko sa taong ito.

Inamin naman nina Efren Uy ng Asian Spirit at Ernesto Serapio ng Air Philippines na may ilang piloto at mekaniko sa kanilang kumpanya ang nagbitiw at nangangamba silang magpapatuloy ang paglisan ng mga ito dahil sa mas mataas na alok ng sweldo at iba pang benepisyo mula sa mga banyagang kumpanya.

Show comments