‘Butas’ sa wiretapping law, tatakpan

Upang matakpan ang ‘butas’ sa Republic Act 4200 o mas kilala sa tawag na Wiretapping Law, Inihain ni Muntinlupa Rep. Rufino Biazon ang House Bill No. 5313 na naglalayong amiyendahan ang nasabing batas.

Naniniwala si Biazon na mas magkakaroon ng ngipin ang Wiretapping Law kung ito ay maaamiyendahan at matutukoy kung alin lamang ahensiya ng gobyerno ang dapat magsagawa ng wiretapping.

Ginawang basehan ni Biazon para isulong ang pag-amiyenda sa panukala ang mga nakaraang debatehan ng mga mambabatas kung tatanggapin bilang ebidensiya o hindi ang "Garci tapes" sa isinagawang pagdinig ng limang komite sa kongreso.

Ipinanukala ni Biazon na amyendahan ang section 1 ng naturang batas na naglalayong ipagbawal para sa sinuman na hindi awtorisado ang pagwi-wiretap sa usapan ng dalawang indibiduwal o grupo.

Sinabi pa ni Biazon sa kanyang panukala na tanging ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tanging government agencies na awtorisadong magsagawa ng legal wiretapping operations.

Ayon sa mambabatas, ito ay upang matukoy ang ahensiyang responsable sa ginawang wiretapping kapag nagkaroon ng kaso na isinampa dahil sa paggamit ng illegal nito.

Idinagdag nito na sa ilalim ng section 3 ng RA 4200, ang sinumang peace officer ay maaaring bigyang awtorisasyon para mag-wiretap kaya nahihirapan tuloy tukuyin kung sino ang gumawa ng wiretapping tulad ng nangyari sa Hello Garci tapes. (Malou Escudero)

Show comments