DOT bubuwagin, Tourism Philippines ipapalit

Sinertipikahan ni Pangulong Arroyo na urgent bill ang panukala ni Sen. Richard Gordon na pagbalasa sa Department of Tourism (DOT) at iba pang ahensiyang nasa ilalim nito upang magtayo ng Tourism Philippines na magtataguyod sa turismo ng bansa.

Sinabi ni Sen. Gordon na nakita ng Pangulo ang kahalagahan ng kanyang Senate bill 1238 na naglalayong pag-isahin na lamang ang DOT, Philippine Tourism Authority (PTA), Philippine Convention and Visitors Corporation at iba pang marketing firm ng DOT.

Ayon kay Gordon, sa ilalim ng kanyang panukala ay hinihikayat ang mga foreign investors na magtayo ng mga hotels, resorts at iba pang tourism enterprises na hindi papatawan ng buwis.

Aniya, sa pamamagitan ng Tourism Philippines ay inaasahang magiging global player sa larangan ng turismo ang Pilipinas. (Rudy Andal)

Show comments