Probe vs Roxas, ex-BSP gov. ituloy – CA

Inatasan ng Court of Appeals (CA) ang Makati City Regional Trial Court na ipagpatuloy ang imbestigasyon laban kina Sen. Mar Roxas, Securities and Exchange Commission Chairperson Fe Barin, dating Bangko Sentral Governor Rafael Buenaventura, Antonio Alindogan Jr., Juan Quintos Jr., Melito Salazar Jr. at Vicente Valdepenas, bilang mga miyembro ng Monetary Board.

Sa 19-pahinang desisyon ng CA-3rd division, inatasan nito si Makati RTC Judge Sixto Marella na ipagpatuloy ang pagdinig sa reklamo laban sa mga ito na una nang isinampa ng Banco Filipino Savings and Mortgage Bank stockholders Ana Maria Aguirre Koruga.

Ipinaliwanag sa desisyon ng CA na hindi nakagawa ng pag-abuso sa kapangyarihan si Judge Marella nang ibinasura nito ang motion to dismiss na isinampa ng mga naturang respondents noong Enero 11 at October 18, 2004.

Ang reklamo ni Koruga ay nag-ugat dahil sa umano’y paglabag ng mga nabanggit na respondents sa Corporation Code of the Philippines dahil sa hindi pagiging ligtas at hindi makatarungan at umano’y pandaraya sa banking practices.

Si Koruga ay nagmamay-ari ng 2,000 shares of stocks sa Banco Filipino habang ang asawa naman nito na si Christopher ay nagmamay-ari ng 500 shares of stocks dito.

Kinuwestiyon ng mag-asawang Koruga ang umano’y pagpayag ng mga nasabing private respondents na makautang ang anim na dummy borrower corporations kung saan noong panahon na nangungutang ang mga ito ay walang kapasidad na makabayad.

Lupain na lamang umano ang ibinayad ng mga nasabing kompanya na nangutang sa naturang mga banko na naging sanhi naman upang malugi ito dahil hindi na bumalik pa ang halaga at interes ng inutang ng mga ito. (Grace dela Cruz)

Show comments