Senator Villar, richest sa Senado

Pinakamayaman pa rin si Sen. Manny Villar Jr. batay sa isinumite nitong Statements of Assets and Liabilities (SAL) nitong 2004 sa lahat ng Senador ng bansa.

May kabuuang networth asset na P620,753,827 si Villar para tambalan niya ang kanyang asawang si Rep. Cynthia Villar na pinakamayaman din sa Mababang Kapulungan.

Ito ang ikalimang pagkakataon para makopo ni Villar ang pinakamayamang Senador sa buong bansa, at hawak niya rin ang ganitong titulo sa loob ng siyam na taon noong ito pa ang kinatawan ng Las Piñas.

Sumusunod kay Villar ang chairman ng senate committee on ways and means na si Sen. Ralph Recto, asawa ng star for all seasons na si Lipa City Mayor Vilma Santos, sa networth nitong P241 milyon.

Pangatlo si Sen. Ramon Magsaysay Jr. sa kanyang networth na P153 milyon at pang-apat si Sen. Jamby Madrigal sa networth nitong P118 milyon.

Tulad ng dati, si Senate President Pro-Tempore Juan Flavier pa rin ang pinakamahirap sa networth nitong P2 milyon.

Si Sen. Luisa Ejercito Estrada naman ang may pinakamalaking utang sa halagang P121 milyon samantalang sina Sen. Joker Arroyo, Miriam Defensor Santiago, Juan Ponce Enrile, Alfredo Lim, Recto at Villar ang mga senador na walang utang.

Ika-lima naman si Sen. Ramon Revilla Jr., na may networth P104,652,000, kasunod si Sen. Juan Ponce Enrile, na may P96,258,245, Sen. Loi Ejercito Estrada, P81,390,448.47, Sen. Pia Cayetano, P71,917,418, Sen. Miriam Defensor-Santiago, P69,900,000 at Sen. Sergio Osmeña na may P59,640,150. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments