Busisi sa tax case vs Regine sisimulan na

Sisimulan ng busisiin ng Department of Justice ang kasong tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban kay Asia’s Songbird Regine Velasquez.

Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzales, sisimulan ng DoJ ang nasabing imbestigasyon laban kay Velasquez sa pamumuno ni State Prosecutor Rose Anne Balauag.

Samantala, sinabi naman ni Assistant State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, kung mayroong makikitang sapat na ebidensiya ay posibleng isubpoena si Velasquez upang magpaliwanag sa hindi nito pagdedeklara ng P3M na taxable income niya sa loob ng taong 2003.

Ipinaliwanag pa rin ni Fadullon na pag-aaralan pa ring mabuti ng DoJ ang nasabing kasong isinampa ng BIR at Department of Finance (DoF) laban sa Asia’s songbird bago pa man tuluyang magpalabas ng subpoena.

Aniya, may posibilidad pa rin na agad na mabasura ang kaso laban kay Velasquez kung walang makikitang probable cause para isailalim sa preliminary investigation ang kaso at iresolba kung tuluyang isusulong sa korte.

Una ng pinagharap ng kasong tax evasion si Velasquez sa DoJ dahil sa under-declaration ng kanyang kabuuang income para sa taong 2003 nang hindi nito isama ang P3.7 milyong kinita niya bilang endorser ng Nestle products.

Sinabi ng BIR na tanging ang P7.7M na kinita niya mula sa GMA network Inc. Viva Television Corporation, at Maximedia International Inc. ang idineklara niya sa kanyang income tax.

Dahil dito’y binigyang - diin ng BIR na lumabag si Velasquez sa itinatakda ng National Internal Revenue Code (NIRC), kung saan sa ilalim nito ay ipinagbabawal sa sinumang indibiduwal na hindi magdeklara ng 30 porsiyentong kita ay pagmumultahin at maaaring mapatawan nang mula isa hanggang 10 taong pagkabilanggo. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments