7 boy scouts nalunod, patay!

Nabahiran ng trahedya ang ginaganap na Provincial Jamboree sa Iloilo matapos na malunod ang pitong boy scout habang naliligo sa dagat sa bayan ng San Joaquin, kahapon ng umaga.

Ang pitong nasawi ay nakilalang sina Neriden Barcenas, 14; Jerry Semic, 14; George Selebio Jr., 14; Sydney Philip Mocas, 14; John Francis Marcon, 12; Christian Moniva, 11 at Alberto Cordero , 14 anyos.

Pawang dead on arrival sa Guimbal District Hospital ang pito habang nakaligtas naman ang iba pa nilang kasamahan.

Sa report na tinanggap kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Edgar Aglipay, naganap ang insidente dakong 8:30 ng umaga nang magkayayaan ang mga biktima na maligo sa dagat sa Purok 1, San Joaquin, Iloilo matapos ang mga itong manood ng labanan ng toro.

Nabatid na may 6,000 boy scouts ang dumalo sa nasabing Provincial Jamboree kung saan napagtripan ng 10 batang campers ang maligo sa dagat.

Habang naliligo ay bigla na lamang naghiyawan ang mga kasamahan ng mga biktima ng masaksihang nalulunod ang isang grupo ng mga kalahok sa Jamboree. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang pito.

Kaugnay nito, sa isang press statement ay sinabi naman ng Boy Scout Council na aksidente lamang ang pangyayari at handa silang magbigay ng P5,000 pinansiyal na tulong sa pamilya ng mga nasawing biktima. (Ulat nina Angie dela Cruz at Joy Cantos)

Show comments