Torralba nagdemanda

Nagsampa ng demanda ang dating maybahay ni K4 vice presidentiable Noli de Castro na si Pacita Torralba bilang sagot sa umano’y mga bintang sa kanya ni Kabayan na siya ay blackmailer, drug addict at estapador. Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa Office of the Prosecutor sa Tagbilaran, Bohol sinampahan nito ng mga kasong libelo o paninirang puri, pagsisinungaling, bigamya, pag-abandona at pang-aabuso si de Castro. Ayon kay Torralba, masama ang kanyang loob na siya pa ang pinagbibintangan ng kung anu-ano at pinalalabas na walang kuwentang tao at isang mangongotong. Si Torralba at Kabayan ay may isang anak, si Manueli, na kinikilala ni de Castro subalit sa mga radio interview, tinagurian ni Kabayan si Manueli na "anak sa pagkabinata" na ayon kay Torralba ay isang malinaw na pagsisinungaling. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments