Kababaihan Kontra Kabayan magra-rali

Nakatakdang magsagawa ng mga pagkilos sa susunod na mga araw ang women’s organization na Kababaihan Kontra Kabayan (KKK) para kondenahin ang anila’y hindi magandang pagtrato ni K4 vice presidentiable Noli de Castro sa kanyang dating asawa na si Magelan "Pacita" Toralba.

Sa pahayag ng tagapagsalita ng KKK na si Ana Miranda, pinapalabas umano ni de Castro na walang kuwenta at pabayang ina si Pacita matapos lumantad ang huli at isumbong ang pag-abandona sa kanya at sa kanilang anak na si Manueli.

Agad naman pinagbintangan ni de Castro ng extortion ang dating maybahay at inakusahang tumanggap ng P500,000 mula sa kalabang partido ng senador.

"Kung ang asawa at anak ay pinabayaan ni Kabayan, dapat bang pagkatiwalaan si Kabayan na aalagaan ang kapakanan ng buong bayan?" tanong ng KKK.

Sinabi pa ni Miranda na ang inasal ng K4 vice presidential candidate ay sapat na dahilan para si Kabayan ay itakwil ng kanilang grupo at pati ng mga kalalakihan na may paggalang sa mga kababaihan bilang larawan ng kanilang ina.

Ayon pa sa grupo, maaaring bigyan ng tinatawag na "benefit of the doubt" si Kabayan tungkol sa mga bintang ng kotong ngunit hindi anya dapat palampasin ang pag-aalipusta niya kay Pacita at mananagot ito sa kanyang mga kasalanan sa mga kababaihan at ang sentensiya ay igagawad sa kanya sa pamamagitan ng pagbasura sa kanya sa darating na halalan. (Ellen Fernando)

Show comments