Umasunto kay GMA,Atty. ng drug lord

Kilala umanong abugado ng isang drug lord ang colonel na nagsampa ng disqualification case laban kay Pangulong Arroyo.

Ayon kay Iloilo Rep. Buboy Syjuco, si Mariano Santiago ang tumatayong abugado umano ng drug queen na si Yu Yuk Lai na nakakulong ngayon at naghihintay ng desisyon ng Korte Suprema.

Ayon naman kay Davao Rep. Prospero Nograles, paghihiganti umano ang motibo ni Santiago, dating Bureau of Land Transportation director, sa pagsampa niya ng disqualification case laban sa Pangulo.

Ayon sa kanya, wala umanong kredibilidad si Santiago dahil na-involve ang dating BLT chief sa pyramid scam na kumulimbat ng bilyon-bilyong halaga mula sa mga government retirees, ordinaryong mga empleyado, OFWs, teacher at mga sundalo.

Napag-alaman na ang kumpanya ni Santiago ay ang Glasgow na ni-raid ng National Bureau of Investigation (NBI) at ipinasarado ng Security and Exchange Commission (SEC) noong kaputukan ng pyramid scam na ang involve ay hindi kukulangin sa P10 bilyon.

Malaking porsiyento umano ng salapi ang natangay at kaunti lamang ang naibalik sa mga nagoyo nito.

May ilang mga biktima ng Glasgow ang sinasabing nagpakamatay matapos na itakbo ng grupo ni Mariano ang kanilang pinaghirapang kabuhayan.

"Galit siya sa administrasyon dahil winasak nito ang sindikatong pinagkakakitaan niya," wika ni Nograles.

Si Santiago ay na-involve din sa Ma. Teresita Santos Trading (MTST) na bumiktima din ng bilyon-bilyong halaga mula sa retirees, teacher at kapulisan.

Maaalalang naging subject ng Senate inquiry ang mga pyramid scam companies na nabanggit.

"Malaki ang kinita ni retired Col. Santiago na tinagurian naming "Scam King’ diyan sa dalawang kumpanya na iyan, kaya naman maraming galit na sundalo at pulis diyan kasi lifetime savings nila ang nayari," sabi ni Nograles. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments