Ultimatum ni Atienza vs station commanders

Nagpalabas ng ultimatum si Manila Mayor Lito Atienza sa mga station commanders na linisin ang lungsod sa mga nagkalat na illegal gambling sa lalong madaling panahon.

Sa kanyang direktiba kay WPDC director, Chief Supt. Pedro Bulaong, sinabi ni Atienza na may mga ulat na dumarating sa kanyang tanggapan laban sa mga pulis-Maynila na patuloy pa ring nasasangkot sa mga ilegal na pasugalan.

Nauna rito, ipina-raid ng alkalde ang mga video karera machine sa iba’t ibang lugar sa lungsod matapos makuryente at mamatay sa video karera machine ang walong taong gulang na si Raymond Reyes.

Ayon kay Atienza, hindi rin lubusang magtatagumpay ang programa niyang "Buhayin ang Maynila" kung makikipagsabwatan ang mga pulis sa sindikato ng bawal na sugal.

Tahasan pang sinabi ng alkalde na kung patuloy na nakapag-operate ang mga video karera, bookies, jueteng at ibang sugalan sa nasasakupan ng station commanders ay kaagad niyang irerekomenda sa liderato ng PNP na maalis kaagad sa puwesto ang sinumang opisyal ng WPDC.

Hinikayat din ni Atienza ang mamamayan ng Maynila na magsumbong sa kanyang tanggapan. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments