P1.7-B LRTA scam binira

Dapat managot sa batas ang mga opisyal ng Light Rail Transit Administration (LRTA) sa pangunguna ng hepe nitong si Teodoro Cruz kaugnay sa umano’y direktang pagkakasangkot sa ilang scam na nagkakahalaga ng P1.7 bilyon.

Sa isang privilege speech sa House of Representatives, sinabi ni Leyte Rep. Eduardo Veloso ang pagmanipula sa bidding ng LRT 2 Management Information Systems (package one) na aniya’y overpriced ng $625,000 at iba pang anomalya.

Sinabi ni Veloso na ang tatlong kumpanya na nag-bid sa proyekto ay magkakakutsaba at "interrelated" dahil iisa ang business address at mga opisyal ng mga ito. Ang nasabing mga kumpanya ay ang Meco Industries, Deltabridge at Easy Net Services.

"However, despite the glaring irregularities in the bid process and the overpricing, the LRTA chief still concurred on the grant of the project to the bid winner - an unmistakable sign of a grand conspiracy in the LRTA," ani Veloso.

Inihayag pa ni Veloso na kabilang sa ilang maanomalyang transaksiyon ng LRTA ang pagbili nito ng vehicular grinding machine na nagkakahalaga ng P200 milyon gayong anim na taon pa bago kailanganin ng LRTA ang naturang makinarya.

Sinisisi rin ng kongresista ang LRTA sa polusyon ngayon sa Marikina river dahil dito aniya dinadala ng ahensiya ang maruming tubig at kemikal mula sa waste water treatment ng LRT Line 2. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments