RP-US extradition treaty repasuhin

Inatasan ng Malacañang ang Departments of Foreign Affairs (DFA) at Justice na simulan na ang pagrepaso sa extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ayon kay Deputy Presidential spokesman Ricardo Saludo, ang DFA at DOJ ang mangunguna sa pagrepaso sa treaty matapos na maagrabiyado ang Pilipinas dahil sa ginawang pagbasura ng US court sa extradition kay Rod Lawrence Strunk, pangunahing suspek sa Nida Blanca murder case.

Lumutang ang pagrebisa sa extradition treaty dahil sa kabiguan ng Pilipinas na mapabalik sa bansa si Strunk samantalang nang humiling ang US na ma-extradite si dating Congressman Mark Jimenez ay agad na inaksyunan ito ng pamahalaan at pinabalik ang mambabatas sa Amerika.

Iginiit ni Saludo na ang DFA at DOJ ang siyang mas nakakaalam kung ang mga probisyon ng treaty ang dapat na rebisahin o amyendahan.

Ipinaliwanag ni Saludo na nais irebisa ng Palasyo ang tratado upang matiyak na nabebenepisyuhan dito ang Pilipinas.

Niliwanag na kung anuman ang magiging hakbang ng Palasyo hinggil sa pagrepaso ng extradition treaty ay ikokonsulta ito sa Senado na siyang obligadong magpapatibay bago ipatupad ng pamahalaan.

Kaugnay nito, ibabasura ng Senado ang RP-US extradition treaty sa sandaling matuklasan na one-sided at pabor lamang sa mga Amerikano ang treaty matapos na ibasura ang kahilingan ng DOJ sa extradition ni Strunk.

Sinabi ni Sen, Manuel Villar, chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, rerebyuhin ng Senado sa linggong ito ang RP-US extradition treaty dahil pabor lamang ito sa US.

Sa ilalim ng treaty ay may 10 Pilipino ang na-extradite sa US subalit walang Amerikano na hiniling na ma-extradite sa Pilipinas ang napagbigyan. (Ulat nina Ely Saludar/Rudy Andal)

Show comments