Sen. Cayetano namatay na

Binawian na ng buhay kahapon si Senator Renato "Compañero" Cayetano sa edad na 68, dahil sa undetected abdominal cancer, sa kanilang tahanan sa Ayala, Alabang, Muntinlupa City.

Kinumpirma sa telephone interview sa anak nitong si Rep. Allan Peter Cayetano na namatay ang kanyang ama dakong alas-3:45 ng hapon.

Bagaman naging matagumpay ang liver transplant ng senador sa University of Southern California noong Pebrero 2003 kung saan ang isa nitong anak na si Lino Cayetano ang naging donor ng atay, sa kanser sa tiyan naman bumigay si Cayetano.

Nakahimlay ang labi ng senador sa Garden of Memories Memorial Homes sa Pateros habang wala pang itinakdang araw ng libing.

Si Cayetano na tubong Bulacan ay naluklok bilang senador noong 1998 at pinamunuan ang Senate committee on energy, committee on education, committee on justice and human rights at chairman ng congressional power commission.

Nagsilbi rin siyang hukom sa impeachment trial ni dating Pangulong Estrada.

Nakatakda sana siyang maupo bilang Senate president noong Enero batay sa term-sharing agreement nila ni Sen. Franklin Drilon subalit dahil sa sakit nito ay hindi ito natuloy.

Batay naman sa impormasyong nagkalat sa internet, kaya umano umuwi ng bansa si Cayetano noong Hunyo 5 ay dahil na rin sa payo ng mga doktor ng University of Southern California dahil binigyan na ng taning ang buhay nito.

Sa pagkasawi ni Cayetano, nabawasan na ang bilang ng majority bloc sa Senado mula sa dating 13 members ay 12 na lamang kontra sa 10 kasapi ng minority bloc.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Pangulong Arroyo sa pamilya ni Cayetano. Pinuri ng Pangulo ang mahahalagang kontribusyon nito sa serbisyo publiko at sa pamahalaan.

Nakiramay rin ang kanyang mga kasamahan sa senado.(Ulat ni Rudy Andal)

Show comments