Mga eroplano ng Laoag hindi na makakalipad

Hindi na muling makakalipad sa himpapawid ang mga eroplano ng Laoag Airlines matapos tuluyang kanselahin kahapon ng Senado ang prangkisang ipinagkaloob nito.

Sinabi ni Sen. Joker Arroyo, chairman ng senate committee on public services, tinanggap ng Senado ang naging rekomendasyon ng Department of Transportation and Communications (DOCT) para sa kanselasyon ng prangkisa nito matapos bumagsak ang eroplano nito sa Manila bay may ilang buwan na ang nakakaraan.

Ayon kay Sen. Arroyo, binigyan ng prangkisa ng nasabing komite noong 2000 na dating pinamumunuan ni Sen. Vicente Sotto ang Laoag Air na ang bisa sana ay hanggang taong 2025.

Natuklasan ng DOTC sa isinagawa nitong imbestigasyon na may kalumaan na ang mga ginagamit na eroplano ng nasabing airline bukod sa hindi nito binigyan ng mga safety procedures ang mga piloto bago ito lumipad sa domestic airport patungong Batanes. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments