AFP nagwawagi na sa giyera

Unti-unti nang nagwawagi ang AFP sa inilunsad nitong "counter-terrorist" operations laban sa MILF habang patuloy ang walang humpay na "aerial at artillery attacks" ng mga sundalo sa pinagkukutaan ng grupo sa Central Mindanao, Lanao del Norte at Zamboanga del Norte.

Libu-libong sundalo mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang idineploy sa Mindanao upang tumulong sa pagdurog sa mga rebeldeng MILF.

Gayunman, aminado ang liderato ng militar na matatagalam pa bago nila maaresto ang mga lider ng MILF na responsable sa madugong pag-atake sa mga bayan ng Maigo, Kolambugan at Munai na pawang sa Lanao del Norte, gayundin sa Siocon, Zamboanga del Norte.

Nabatid naman kahapon kay AFP Vice Chief of Staff at spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia na nakatakas sa isinagawang opensiba ang dalawang lider ng MILF na sina Abdurahman Macapaar alyas Commander Bravo na namuno sa raid sa Munai, Kolambugan at Maigo, at si Yanyah Laksadatu alyas Commander Yaya.

Ang dalawang commander ay may tauhan na aabot sa 250 hanggang 300 rebeldeng Muslim.

Kumpiyansa naman si Garcia na magagawa pa ring maaresto ng militar ang dalawang lider at puspusan nang sinusuyod ang buong bayan ng Munai. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments