Terorismo kayang resolbahin – Reyes

Siniguro ng defense department na mareresolba ang mga banta ng terorismo sa bansa kasabay ng pormal na pagsisimula ng RP-US Balikatan 03 sa Luzon sa araw na ito.

Iginiit ni Defense Secretary Angelo T. Reyes, gayunman, hindi na kailangang muli ang mga dayuhang puwersa sa combat operation kontra mga terorista at rebelde dahil kayang ipagtanggol ng Armed Forces of the Philippines ang bansa at mga mamamayan nito.

Bagaman kulang umano sa modernong mga armas, napatunayan ng AFP sa maraming pagkakataon na kaya nitong protektahan ang mga mamamayan at ang bansa laban sa mga terorista at iba pang lawless elements.

Inaasahang sasamantalahin ng mga grupong Moro Islamic Liberation Front (MILF), New Peoples Army (NPA) at maging Abu Sayyaf Group (ASG) ang RP-US military exercises para makapaghasik ng terorismo sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nauna rito, pinayuhan ng gobyernong Amerikano ang mga GIs na kasali sa Balikatan exercises na maging maingat at alerto kaugnay sa lumalakas na bantang terorismo laban sa US citizens bunsod ng pag-atake nito sa Iraq.

Subalit tiniyak ni Reyes na nakaalerto at preparado ang pamahalaan kaugnay sa mga bantang terorismo lalo’t opisyal nang sinimulan ang Balikatan 03 sa Clark Field, Pampanga; Fort Magsaysay, Nueva Ecija at Phil. Marine Base sa Ternate, Cavite. Magtatapos ang joint military exercises sa Mayo 9.

Show comments