Hustisya kay John Campos sigaw ng PMA'er

FORT DEL PILAR, Baguio City – Katarungan para kay Supt. John Campos.

Ito ang nagkakaisang isinisigaw ng mga opisyal ng military at pulisya sa pangunguna ng PMA Batch ’87 sa isinagawang Alumni Homecoming ng Philippine Military Academy kahapon.

Naging kapansin-pansin ang pagsusuot ng mga PMA Batch ’87, ’88, ’89, ’90 at ’95 ng itim na arm band bilang simbolo ng pakikiramay at pagkondena sa pamamaslang sa kanilang ‘mista’ na si Campos.

Sinabi ni Supt. Renier Espina, Batch ’87 Class President na may isang taon nilang ipagluluksa ang pagpanaw ni Campos. Taglay rin nila sa kanilang mga dibdib ang sticker na nagsasaad ng "Justice for John Campos" habang isang banner rin ang nagsasabing "Nasaan ang hustisya ng administrasyong ito para kay John Campos?".

Umapela naman si Philippine National Police Chief Director General Hermogenes Ebdane sa mga PMAer na magpakahinahon dahil sa hindi umano sila nagpapabaya sa imbestigasyon upang madakip ang mga killer at mastermind ng pagpaslang kay Campos. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments