Iringang GMA-Guingona sisira sa Lakas-NUCD

Nagbabala kahapon si Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada, vice president for Internal Affairs ng Lakas, na maaaring makaapekto sa nangungunang partido sa bansa ang nangyayaring iringan sa pagitan nina Pangulong Arroyo at Vice President Teofisto Guingona.

Ito umano ang dahilan kung bakit kailangang magpatawag ng isang party caucus sa lalong madaling panahon ang liderato ng Lakas dahil ang mga personalidad na involved ay ang chairman at ang president ng partido. Si President Arroyo ang tumatayong chairman, samantalang si Guingona ang president.

Hiniling din ni Lozada sa mga opisyal ng Malacañang na itigil na ang pagpapalabas ng mga statement na lalong nagpapalala sa sitwasyon.

Sinabi pa nito na may respeto sa isa’t isa sina Arroyo at Guingona at hindi umano ito maaaring sirain ng pulitika.

Maaari aniyang sadyang sinisira ng ilang sektor ang magandang relasyon nina Arroyo at Guingona upang hindi magtagumpay ang kanilang administrasyon. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments