Ayon kay Sen. De Castro, kumbinsido siya sa pahayag ng dose-dosenang saksi na humarap sa ikatlong pagdinig ng senate committee on national defense and security na pinamumunuan ni Senator Ramon Magsaysay, Jr. na nagbigay ng linaw sa katanungan sa iniimbestigahang usapin.
Aniya, sa ginawang pag-amin ng militar sa isinagawang pagdinig ng senado dahil sa pagkakaroon nila ng operational lapse kaya nalusutan sila ng bandidong ASG ay lalong naging kaduda-duda ang mga hakbang nito upang mayroon silang pagtakpan.
Idinagdag pa ng senador, matapos iharap ni Fr. Cirilio Nacorda ang kanyang dose-dosenang testigo sa ikatlong pagdinig ng senado ay sinuportahan ng mga ito ang naging akusasyon ng pari kaugnay sa pagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng ASG at AFP sa naganap na krisis sa Lamitan, Basilan noong July 1-2.
Tahasang sinabi ng nurse na si Fe Castro ng Lamitan District hospital na nakita niya si Gen. Romeo Dominguez na binigyan ng isang attache case na naglalaman ng pera na pawang P1,000 bill nang denomonitations kung saan limang piraso nito ang iniabot kay Dr. Julius Cesar Aguila, hospital director, bilang panggastos sa mga ginagamot umanong sundalo.
Iginiit din ng isang saksi na kaswal lamang na naglakad palabas ng pinto ng Dr. Jose Torres Memorial Hospital ang construction magnate na si Reghis Romero, Divine Montealegre kasama ang batang si RJ Recio noong July 2 ng umaga. (Ulat ni Rudy Andal)