^

Punto Mo

Isla Paraiso (78)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

“NASAAN ang may-ari ng minahan?” tanong ni Benhur kay Bart.

“Mahirap malaman. Sabi ni Jumbo, hindi ipinaaalam ang kinaroroonan dahil sa seguridad.’’

“Hindi ba siya nagpupunta rito sa Isla?’’

“Hindi. Ayon kay Jumbo, pupunta na lamang daw dito kapag maayos na o nakapasok na ang minahan. Sa ngayon pawang mga tauhan niya ang kumikilos.’’
“Pinoy ba ang may-ari o dayuhan?’’

“Pinoy! Pero may kasosyo siyang dayuhan.’’

“Walanghiya talaga ano? Kahit masira ang magandang Isla balewala sa kanya. Anong klaseng tao yun?”

“Nagahaman siya sa laki ng perang kikitain dito. Ang dami raw kasing minerals ng islang ito. Narito na raw lahat ang klase ng mineral kaya pursigido na mapasok ito. Kahit pa nga mamatay lahat ang tao rito.’’

Napahinga nang maluwag si Alexis. Nalaman na nila ang balak ng may-ari ng minahan. Kung ganun, nasa panganib pala silang lahat dito. Kapag pinasingaw ang chemical na sarin, ayon sa kuwento ni Bart, segundo lang at patay sila. Matindi ang sarin. Ganitong chemical ang pinasingaw sa isang subway train sa Japan na ikinamatay nang maraming pasahero.

Kung ganoon ang gagawin ng may sa demonyong may-ari, delikado sila. Wala silang kalaban-laban. Dapat nga siguro ay ma-expose ang gagawin ng hayop na may-ari para mapigilan sa binabalak.

Naisip ni Alexis si Marikit. Ipasusulat niya rito ang tungkol sa balak na mass killings ng may-ari ng minahan. Kailangang ma-exposed ang gagawin para mapigilan at makaligtas ang marami sa kamatayan.

Maari naman niyang utusan si Benhur na magtungo sa Maynila para mailathala ang nalaman nilang balita. Makaka-scoop ang diyaryong paglalathalaan ni Marikit.

Nasa ganun siyang pag-iisip nang biglang magma-kaawa si Bart.

“Patawarin n’yo na ako! Hindi na ako babalik kay Jumbo. Dito na lang ako sa inyo. Ayaw ko nang sumama sa grupo ng Jumbong iyon.’’

Nagkatinginan sina Alexis, Lolo Kandoy at Benhur.

“Huwag tayong maniwala sa kanya,” sabi ni Benhur. “Baka nilalansi lang tayo.’’

“Hindi! Totoo ang sinasabi ko. Hindi na ako babalik kay Jumbo.

Nag-isip ang tatlo.

Mabigat ang bibitiwan nilang desisyon kay Bart.

“Baka magkamali tayo, Sir Alexis. Delikado tayo sakali at hindi totoo ang sinasabi ni Bart.’’

“Maniwala kayo sa akin. Hindi na ako babalik kay Jumbo. Para kayo maniwala ako ang lulusob at papatay kay Jumbo. Marami na ring nagawang kasalanan sa akin ang taong ‘yun. Kailangan kong gumanti.”

(Itutuloy)

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with