^

Punto Mo

‘Taguang bato’

- Tony Calvento - Pang-masa

SI Sisa sa librong Noli Me Tangere ay nawala sa tamang kaisipan nang mawalay sa kanyang mga anak na si Crispin at Basilio. Kahit sinong ina tanggalan mo ng pagkakataon sa kanyang mga anak di kaya ito’y maging parang isang trumpong kangkarot?

“Hindi naman siya nagpapakita sa amin na kakayod siya. Wala kaming ikabubuhay kung maghihintay lang ako. Pare-pareho kaming magugutom,” pagtatapat ni Vanessa.

Hindi man pabor ang kanyang mister tumuloy pa rin siyang mangibang bansa. Giit niya para yun sa kinabukasan ng mga anak. Dun na rin naputol ang kanilang komunikasyon.

“Hindi ko na sila nakakausap. Maging pamilya ko dito sa Pilipinas hindi sila mahanap,” pahayag ni Vanessa.

Sa isang pagbabalik-tanaw taong 2002 nang magkakilala sina Vanessa Camacho, 30 taong gulang at Joel-35. Tindera daw siya nun sa kantina habang sa katabing bigasan naman nagtatrabaho si Joel bilang drayber.

Naging magkarelasyon ang dalawa at nagpakasal noong ika-15 ng Mayo 2003.

Matapos ang tinatawag na ‘honeymoon stage’ sa buhay mag-asawa naglabasan ang problema ng inakala niyang Mr. Right.

“Nung simula masipag siya pero nung nagkaanak kami naging tamad na,” salaysay ni Vanessa.

Nagtrabaho bilang arawan sa palayan si Joel ngunit pagkatapos ng trabaho dun hindi na daw ito naghahanap ng panibago.

“Namasukan na din ako sa pabrika. Sa packing department ako nalagay. Naiwan ang asawa ko sa mga bata pero pagkauwi ko ako pa din ang nag-aasikaso sa kanila,” wika ni Vanessa.

Habang lumalaki ang kanilang mga anak naisip ni Vanessa ang kinabukasan ng mga ito.

“Kapag hindi kami kumilos magiging ganito na lang ang aming­ buhay. Ang mga anak namin ay hind­i naman mapag-aaral ng ma­ayos at walang asenso akong nakik­ita sa batugan kong mister,” pahayag ni Vanessa.

Taong 2010 nagpasya siyang mag-apply papuntang Kuwait bilang domestic helper (DH).

“Galit siya. Ayaw niyang umalis ako pero nagpumilit ako,” ayon kay Vanessa.

Mula nun hindi na nito ipinapa­kausap sa kanya ang mga bata. Kwento niya dati daw silang umuupa sa Laguna ngunit nabalitaan niyang umalis na ang kanyang pamilya dun.

“Nagtatanong ako sa mga magulang ko kung alam nila ang tinitirhan ng mag-ama ko pero wala daw silang impormasyon,” salaysay ni Vanessa.

Makalipas ang dalawang taong kontrata umuwi siya ng Pilipinas. Hinanap niya ang asawa’t mga anak ngunit hindi niya ito nakita. Nagpunta siya sa bahay ng kanyang biyenan ngunit wala din daw doon.

“Hindi ko sila natagpuan hanggang sa bumalik na ako ng Kuwait para sa panibagong kontrata,” wika ni Vanessa.

Pagkatapos ng kanyang kontrata hindi na siya muling umalis ng bansa.

Ika-25 ng Hulyo 2014 muli siyang nagbalik sa bahay ng biyenan sa San Guillermo, Rizal. Nung una ayaw pang ipakita ng mga ito ang mga bata. Agad namang umaksiyon si Vanessa at lumapit ng barangay para humingi ng tulong.

“Nagsama ako ng kagawad kaya’t wala silang nagawa. Nung makita ko ang mga bata kilala pa nila ako,” kwento ni Vanessa.

Umiyak ang mga anak at tumakbo papunta sa kanya habang tinatawag siyang Mama.

“Ma akala ko patay ka na,” sabi ng kanyang panganay.  “Akala ko nakalimutan mo na kami.”

“Kung nakalimutan ko na kayo hindi ko na kayo hahanapin,” salaysay ni Vanessa.

Nakaharap niya rin daw ang asawa ngunit nakatingin lang ito sa kanya. Kahit pa daw sabihin niyang mahal niya pa ito kung ayaw na sa kanya ay wala na siyang magagawa.

“Mahal ko siya pero masaya na ako sa buhay ko kaysa nung kasama ko siya,” ayon kay Vanessa.

Nagkasundo na lang sila na tuwing Biyernes ay kukunin niya ang mga bata at ibabalik pagdating ng linggo.

“Minsan humahabol pa sa akin ang mga anak ko. Wala naman akong magawa. Naaawa din ako sa mga anak ko minsan lang kung ibili ng damit. Pati tsinelas bihirang magkaroon ng bago,” sabi ni Vanessa.

Nais ni Vanessa na sa kanya na mapunta ang kustodiya ng kanyang mga anak. May naipon naman daw siya mula sa pag-aaabroad at ma­aaring magsimula ng maliit na ne­gosyo para may pinagkakakitaan siya.

Sampung taong gulang ang pa­nganay niya, walo ang sumunod at anim na taon ang bunso.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Vanessa.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang anim na taong gulang na anak ni Vanessa dapat ay nasa kanyang pangangalaga na ito, ito ang nakasaad sa ating Family Code. Mas mabuti ring maghain na si Vanessa ng ‘Petition for Custody’.

Papipiliin ang mga anak nitong lampas sa pitong taong gulang. Kung sakaling ikaw ang gustuhin nilang makasama agad itong mapupunta sa iyo ngunit kung hindi ka naman manalo mabibigyan ka ng korte ng ‘visitation rights’.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre B ldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment

AKO

ANAK

LEFT

NUNG

VANESSA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with