^

PSN Showbiz

Aktres walang suwerte, never pang nakahawak ng pera ng asawang negosyante!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Malalim at masalimuot ang tema ng kuwentuhan ng isang magkakaibigang nagkaumpukan isang gabi. Tungkol sa isang female personality ang ikot ng kanilang usapan. Naliligalig ang tropa sa sitwasyon ng buhay ng aktres sa mga kamay ng kanyang napangasawang negosyante.

Nalaman kasi ng grupo na wala naman palang hinahawakang salapi ang female personality na nanggagaling sa kanyang mister. Kani-kanya pala sila, sa aktres lang ang kanyang kinikita, sa lalaki lang ang kinikita ng mga negosyo nila.

At kuwento ng isang nasa umpukan, “Pero may kani-kanyang obligation din sila sa bahay. May binabayaran ang girl, meron din ang husband niya. Hati sila. Ang akala kasi ng ibang tao, e, nakahiga na sa salapi ngayon ang girl.

“Ang hindi alam ng marami, e, wala siyang nahahawakang pera na mula sa business nila ng husband niya. Wala talaga. Kaya nga hindi rin magawang magbigay ng datung ng girl sa family niya, kasi, hindi naman regular ang trabaho niya.

“Tuwang-tuwa ang girl kapag may pelikula siya, magkakapera kasi siya, very happy rin siya kapag meron siyang ginagawang series. Maganda kasi ang kitahan sa paggawa ng serye, kung ilang araw kang nag-taping sa isang linggo, ‘yun din ang talent fee mo, kaya nagkakaroon siya.

“Namumulsikot ang husband niya. Hindi siya pinahahawak ng pera. Kung ano lang ang kinikita niya, ‘yun lang ang pera niya, walang nanggagaling sa husband niya na super-kuring pala!” napapailing na kuwento ng isang source sa umpukan.

‘Yun kuno ang dahilan kung bakit sobrang Spell I (read: inggit) ang female personality na ito sa kanyang mga kaibigang sinuwerteng ma­kapangasawa ng mayaman. Sunod ang kanilang luho, nakahahawak sila ng pera, hindi tulad niya na kung walang raket ay walang datung.

“Kaya siya sobrang nangangayayat. Hindi sigu­ro niya akalain na ganu’n pala ang mangyayari sa buhay niya sa poder ng mister niya. Ang akala siguro niya, e, ma­giging reyna na siya.

“Nakakainggit nga na­man ang mga kaibi­gan niya na pa-travel-travel na lang, samantalang siya, kundi pa siya mismo ang gagastos sa pagbiyahe niya, e, hindi man lang siya makapagbabakasyon.

“Grabe ang naging kapalaran niya sa lalaking ‘yun na inakala niyang makapagbibigay ng kagin­hawahan sa buhay niya, pero pagdurusa lang naman pala. Hindi kaya isang araw, e, bumalik na lang siya sa malamig na bansang pinanggalingan niya?” nakataas pa ang kilay na pagtatapos ng impormante sa umpukan.

Ubos!

Kabutihan ni Franco pinanghihinayangan pa rin

Halos isang oras ang ibinigay na tribute ng It’s Showtime para sa namayapa nilang kasama­han, ang miyembro ng Hashtags na si Franco Hernandez, nakasuot ng puti ang bumubuo ng noontime show at putimputi rin ang ka­buuan ng studio.

Habang kinakanta ni Jed Madela ang Gone Too Soon ni Michael Jackson ay kitang-kita ang pag-alog ng mga bali­kat ni Vice Ganda, iyak nang iyak, nang hawakan ng komedyante ang mikropono ay halos hindi na siya ma­ka­dilat sa sobrang pamumugto ng kanyang mga mata.

Kahit hindi mo personal na kilala ang namayapang dancer, sa pama­ma­gitan ng mga kuwento ng kanyang mga kasamahan sa It’s Showtime lalo na ng kanyang mga kapwa dancers, ay parang ilang beses mo na ring nakilala si Franco Hernandez.

Nasa New Zealand ang tropa nang matanggap nila ang balitang nalunod-namatay si Franco. Hindi na dumalo sa reception ng kasal nina Erwan Heussaff at Anne Curtis si Vice Ganda dahil umuwi na siya agad kasama si Ryan Bang.       

 “Nawalan ako ng isang anak,” humahagulgol na pahayag ni Vice Ganda. Alaga niya kasi ang mga miyembro ng Hashtags, sa kanyang dressing room tumatambay ang mga ito, kaya kay Vice Ganda ang pinakamalaking tama ng pagkawala ni Franco Hernandez.

Ngayong Biyernes ang cremation ng mga labi ni Franco Hernandez. Nagpapasalamat ang kanyang pamilya sa matinding pagpapahalagang ibinigay ng It’s Showtime para sa magaling na dancer.

Ang Cornerstone ni Erickson Raymundo ang unang-unang tumulong sa pamilya ni Franco, sila rin ang namahala sa lamay hanggang sa cremation, orga­nisado ang Cornerstone sa anumang hinahawakan nilang responsibilidad.

Totoong-totoo. Gone too soon. Napakabata pa ni Franco Hernandez para pagdamutan ng kanyang mga pangarap.

Ang taos-puso po naming pakikiramay sa mga inulila ng magaling na dan­cer na napapanood lang namin nu’n nang malayuan.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with