^

PSN Showbiz

Bantayan Island gustong sugurin ng mga sawi

Salve V. Asis - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Hindi lang si Angel Locsin ang tumutodo ng suporta sa pinag-uusapang pelikula ngayong Camp Sawi nina Arci Muñoz, Bela Padilla, Andi Eigenmann, Yassi Pressman at Kim Molina,  kundi si Direk Antoinette Jadaone rin.

Ang suportang ito ni Direk Antoinette ay pagpapatunay na hindi siya apektado ng pang-iintriga ng ilan na isinilang na ang karibal niya sa katauhan ni Direk Irene Villamor na tulad niya ay dati ring assistant director ni Direk Joyce Bernal at ngayon nga ay pinupuri sa malinis na pagkakagawa ng Camp Sawi.

Mabilis ding kumakalat ngayon ang positive reviews at feedback na isang surprise hit.

Sey pa ng mga kritiko’t netizens, deserving ang movie sa Grade A na ibinigay ng Cinema Evaluation Board (CEB), dahil wala itong pretensyon at pulido ang pagkakalahad ng kuwento.

Si Neil Arce, BF ni Bela at N2 Productions exec, tuwang-tuwa sa tagumpay na inaani ng proyekto sa takilya. Katuwang si Neil ng Viva Films sa pelikulang ito.

Sey niya sa kanyang Facebook post, “I’ve done 3 mo­vies and this is the first time nadagdagan kami ng cinemas everyday hahaha! more cinemas tom guys yung ibang malls dalawang cinemas na! watch na!”

Sa ClicktheCity.com naman, sinabing, “The first five minutes of Camp Sawi are incredible. Irene Villamor is a terrific director.”

Bukod sa kina Arci, Bela, Andi, Yassi at Kim, kasama rin sa cast ang Kapamilya heartthrob na si Sam Millby, na gumaganap bilang camp master.

Sa ngayon, showing na ang Camp Sawi sa mahigit na 100 sinehan nationwide.

Eh holiday pa bukas, Lunes, National Heroes Day, kaya asahang mas rarami pa ang manonood.

Bentang-benta kasi sa mga nanonood ang mga pinagdaanan ng limang bida sa pelikula.

Si Bela na isang bank teller ay ipinagpalit ng boyfriend (Dennis Trillo) sa kapwa niya Chinese. Si Arci naman na isang bokalista ng banda ay kinalasan ng kasamahan sa banda sa pamamagitan ng pagsulat ng break up song. Si Andi ay kabit ng isang doctor, si Yassi ay nadiskubreng bakla ang lalaking gustung-gusto at si Kim Molina ay nasagasaan ang boyfriend matapos sa kanyang mag-propose.

At doon sila nagkasama-sama sa Camp Sawi na mata­tagpuan sa Bantayan Island sa Cebu.

Ang ganda ng lugar. Pagkatapos mapanood ang pelikula ay gugustuhin mo nang lumipad sa Camp Sawi at makita ang magandang lugar at ang camp master na ginampanan nga ni Sam Milby.

Waging-wagi rin ang eksena nina Arci at Bela na parehong nagpakalasing at pinag-uusapan ang tungkol sa mga nangyari sa kanila na ang naging pagtatapos ay pareho pala silang nagkakagusto sa camp master na umabot sa puntong nakasama nilang natulog.

Walang pretensiyon at sakto ang acting ng lahat ng mga kasali sa pelikula.

May mga eksenang tatawa, iiyak at maloloka ka.

Magaling si Direk Irene kaya tiyak na may kasunod na agad siyang pelikula sa Viva.

Cory Vidanes pinarangalang Media Personality of The Year

Pinarangalan bilang Media Personality of the Year  ng SKAL International Tourism Personality Awards ang chief operating officer for broadcast ng ABS-CBN na si Cory Vidanes para sa kanyang kontribusyon at pagtataguyod ng turismo sa bansa sa pamamagitan ng mahusay na programang pantelebisyon, pelikula, at iba pang platforms ng nangungunang media at entertainment company sa bansa.

Kinilala si Vidanes kasama ng iba pang awardees sa SKAL International Tourism Awards na ginanap noong Miyerkules ng gabi sa New World Hotel sa Makati.

“Like all of you, I share and support your advocacy in promoting tourism through excellent content in television, film, print, digital and all our other platforms,” sabi ni Vidanes.  “In ABS-CBN, the core of being in service of the Filipino people is to be trusted.  In many ways, we share the same vision of SKAL International – to be a trusted Voice in travel and tourism,” sinabi ni Ms. Vidanes.

Sa SKAL International Tourism Personality Awards, binibigyang parangal ang mga indibidwal para sa kanilang mga nagawa upang itaguyod ang turismo.

Sa pamumuno ni Vidanes, naglakbay ang ABS-CBN sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mag-shoot ng mga teleserye at pelikula. Bukod sa magandang kuwento, tutok din sila sa mga magagandang destinasyon na tampok sa palabas, dinala na nito ang mga manonood sa Benguet province para sa  Forevermore, Puerto Princesa, Palawan sa The Story of Us, Albay, Bicol for We Will Survive, Batanes sa  You’re My Boss, Bukidnon and Cagayan De Oro sa Forever and a Day, at marami pang iba upang maging senaryo ng sikat ng love stories.

Dagdag pa ni Vidanes, ang ABS-CBN Regional group ay aktibong nagtatampok ng mga piyesta buong taon para maging tulay ng mga Filipinos sa Pilipinas at ibang bansa sa kanilang mga probinsyang pinagmulan at para na rin maengganyo ang mga dayuhang turista na maglakbay sa Pilipinas.

Sinabi rin ni Vidanes na ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Incorporated ay nag-aalok ng eco-tourism packages na hindi lamang nagbibigay pagkakataon sa Pilipino na maranasan at makita ang mga tanawin kundi suportahan pati na ang kanilang pangkabuhayang proyekto at mapangalagaan ang natural ecosystems sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ilan sa nasabing packages ay ang surf at skimboard camps sa Sorsogon at Leyte, ziplining at caving sa Puerto Princesa, Palawan, river cruises sa Buhatan, Sorsogon at Iwahig, Palawan, isang eco-village sa Sohoton Caves, at agritourism communities sa Samar, Leyte, Iba, Zambales, Lobo, Batangas, Antipolo, Guimaras, Mindoro, at marami pang iba.

Mayroon ring travel website ang ABS-CBN na Choose Philippines na nagbibigay ng malawak na impormasyon ukol sa paglalakbay sa Pilipinas, at nagbibigay pagkakataon sa pamilyang Pilipino na lumikha at ibahagi ang kanilang makabuluhang mga karanasan.

Nilunsad na rin ng ABS-CBN ang Choose Philippines Awards kung saan ang iba’t ibang tao, lugar at pati na rin pagkain na nagbigay ng malalim at magandang kahulugan sa karanasan ng mga manlalakbay sa Pilipinas.   

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with