Valdez puwede nang lumaro sa SEAG
MANILA, Philippines - Mas maiksing kumperensiya ang ipatutupad ng organizers sa Premier Volleyball League Open Conference na magsisimula sa Hulyo 1 sa The Arena sa San Juan City.
Ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang ilang mga naglalaro sa liga - sa men’s at women’s division - na makasama sa training camp ng national team na naghahanda para sa 29th Southeast Asian Games na gaganapin sa Agosto sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Partikular na makikinabang nito si three-time UAAP MVP Alyssa Valdez na naglalaro sa Creamline.
Ayon kay Ricky Palou ng Sports Vision, susuportahan ng Cool Smashers ang kagustuhan ni Valdez na tulungan ang pambansang koponan sa kampanya nito sa SEA Games.
“The Open Conference will be shorter than the Reinforced Conference because we want to finish before the SEA Games and allow everyone including the fans to concentrate there,” ani Palou sa pagbisita sa lingguhang PSA forum sa Phoenix Hotel sa Pasay City.
Makakasama si Valdez sa training camp ng women’s team sa Japan na gaganapin sa kalagitnaan ng Hulyo.
Ang men’s team naman ay magtutungo sa South Korea para sumailalim din sa puspusang pagsasanay na idaraos din sa susunod na buwan.
Si Valdez lamang ang nag-iisang miyembro ng women’s national pool na galing sa PVL habang iilan din ang nakuha sa men’s team.
Makakasama ni Valdez sa koponan sina Jaja Santiago, Maika Ortiz, Rhea Dimaculangan, Aiza Maizo-Pontillas, Ces Molina, Aby Maraño, Kim Fajardo, Mika Reyes, Denden Lazaro, Jovelyn Gonzaga at Gen Casugod habang nasa reserve list naman sina Dawn Macandili at Kim Kianna Dy.
Dadalhin naman ng Perlas Pilipinas ang bagong pangalang Xentro Mall samantalang nakuha ng Philippine Air Force ang Hair Fairy.
- Latest