Ursabia, Batungbacal UAAP Athletes of the Year
MANILA, Philippines - Nasungkit nina Adamson University softball standout Angelie Ursabia at Ateneo swimming stalwart Aldo Batungbacal ang UAAP Season 79 Athlete of the Year honors sa ginanap na awarding ceremony noong Sabado sa Plaza Mayor sa University of Santo Tomas campus.
Naduplika nina Ursabia at Batungbacal ang tagumpay ng kanilang teammates na sina Queeny Sabobo at Jessie Khing Lacuna na siyang nakakuha ng pinakamataas na karangalan noong nakaraang taon.
Maningning ang kampanya ni Ursabia nang makuha nito ang season MVP honors kasama pa ang Most Homeruns at Best Slugger awards sa kanyang huling taon sa kampo ng Lady Falcons.
Tinulungan nito ang Adamson na makumpleto ang seven-peat habang naging bahagi rin ito ng Blu Girls na sumabak sa World Cup of Softball XI sa Oklahoma City at sa World Women’s Softball Championships sa Surrey, Canada.
Minanduhan naman ni season MVP Batungbacal ang Blue Eagles sa pagdagit ng ikatlong sunod na kampeonato sa men’s swimming.
Naghari si Batungbacal sa 1,500-meter freestyle (16:42.21) kasabay ng pagtarak ng bagong rekord sa 200-meter breaststroke (2:22.95), 100-meter breaststroke (1:05.78) at 400-meter individual medley (4:39.98).
Bahagi rin si Batungbacal ng Team UAAP-Philippines na naglaro sa 18th ASEAN University Games sa Singapore.
Sa juniors division, nakuha nina De La Salle-Zobel tanker Nicole Pamintuan at National University volleyball player Lorence Cruz ang Athlete of the Year honors.
- Latest