Etheridge ‘di kasama ng Azkals sa Suzuki Cup
MANILA, Philippines – Bahagi na ng haligi ng Philippine Azkals si goalkeeper Neil Etheridge.
Ngunit sa pagsabak ng Azkals sa 2016 Asean Football Federation (AFF) Suzuki Cup, hindi masisilayan sa aksiyon si Etheridge dahil sa kanyang tungkulin sa Walsall Football Club sa League One.
Pagkakataon sana ng mga Pilipinong tagahanga nito na personal na mapanood ang Filipino-British goal keeper sa Suzuki Cup sa Nobyembre 19 hanggang 25 na gaganapin sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan.
Subalit hindi ito nakakuha ng release order mula sa kanyang mother club dahil pumatak ang naturang petsa sa labas ng FIFA international dates.
“It’s frustrating that the Suzuki Cup doesn’t fall within international dates, but for the past years now I guess I have been used to not being involved. It’s disappointing for me on a personal level because the experiences that I gained from that cup competition when I was younger were second to none, the atmosphere, the intensity and the teams pulling together to gain victory,” wika ni Etheridge.
Kasama si Etheridge sa matagumpay na kampanya ng Azkals noong 2010 edisyon ng Suzuki Cup kung saan umabot sa semifinals ang Pilipinas.
Tiniyak naman ng 6-foot-3 goalie ang buong suporta niya sa Azkals na nagnanais malampasan ang semifinal finish ng tropa sa mga nakalipas na edisyon ng Suzuki Cup.
Dahil dito, maiiwan ang pasanin bilang goalkeeper kina Roland Muller, Patrick Deyto at Nick O’Donnell.
- Latest